Isinusulong ni Senator Christopher “Bong” Go ang pagpapalawak sa agricultural insurance coverage para sa lahat ng kwalipikadong Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs).
Sa Senate Bill 2117, layon nito na palawakin pa ang serbisyo ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) at hikayatin ang partisipasyon ng private sector sa agricultural insurance para sa pagtulong sa mga magsasaka.
Layunin ng panukala na mabigyan ng mas maayos na insurance coverage at serbisyo ang mga magsasaka at matulungan na mabawasan ang epekto ng kalamidad sa agricultural sector.
Ang PCIC ay itinatag para suportahan ang mga magsasaka na may insurance coverage laban sa mga kalamidad tulad ng bagyo, baha, tagtuyot, plant disease, pananalasa ng mga peste at iba pang disasters.
Sa ilalim ng panukala ay inaamyendahan ang Presidential Decree No. 1467 na siyang bumuo sa PCIC at dito ay magiging sakop na rin ng agricultural insurance ang lahat ng agricultural commodities tulad ng palay crops at mga non-crop agricultural assets tulad ng livestock, aquaculture and fishery, agroforestry at forest plantations.
Pinapayagan din ang PCIC na palawakin ang insurance lines hanggang sa agricultural cooperatives, farmers’ associations, at iba pang private sector participants sa agricultural insurance market.
Sa pamamagitan nito ay matutulungan ng gobyerno na maisulong ang paglago at pag-unlad ng sektor ng agrikultura na siyang mahalaga sa pangkalahatang economic growth at development ng bansa.