Tiniyak ni Senator Alan Peter Cayetano na palalawakin ang mga programang pangkabuhayan upang walang sektor ang mapag-iiwanan sa pagpasok ng bansa sa pinakamalaking trade agreement na Regional Comprehensive Economic Partnership o RCEP.
Si Cayetano ay kabilang sa mga itinalaga na maging myembro ng binuong Oversight Committee on RCEP kasama ang sampung iba pang mga senador.
Ang oversight committee ang magbabantay sa implementasyon ng RCEP at titiyak sa mga programa para sa mga industriyang maaapektuhan nito.
Ayon kay Cayetano, mula sa umpisa ay hangad na nila na makita ang paglago ng buong bansa at hindi lamang sa mga urban centers.
Ilan sa mga sektor na itinuturing na vulnerable na nangangailangan ngayon ng atensyon at pagtutok sa gitna na rin ng patuloy na pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin at mababang farm-gate prices ay ang agriculture at employment sector.
Bago katigan ng Senado ang ratipikasyon sa RCEP, hinimok ni Cayetano ang mga kasamang mambabatas at ang Ehekutibo na siguruhing may safety nets para sa mga sektor na posibleng maapektuhan ng pagpapatupad ng trade deal.