Hiniling ni Senator Sonny Angara na palawakin pa ang sakop ng feeding program sa mga paaralan upang mas matugunan ang problema ng ‘undernutrition’ sa mga mag-aaral.
Isinusulong ni Angara sa Senado na maisama sa School-Based Feeding Program (SBFP) ang mga estudyante sa secondary schools.
Inaamyendahan ng inihaing panukala ng senador ang Republic Act 11037 o ang “Masustansyang Pagkain Para sa Batang Pilipino Act” kung saan ang ipinapatupad na national feeding program ay limitado para sa mga undernourished na mga kabataan sa public day care, kindergarten, at elementary schools.
Sa ilalim ng panukala, magiging sakop ng SBFP ang mga mag-aaral mula sa Grade 7 hanggang 12 o iyong mga junior at senior high school.
Paliwanag ng senador, isinama rin sa national feeding program ang mga junior at senior high school dahil sila man ay apektado rin ng kagutuman dahil sa kahirapan na nagiging hadlang sa kanilang pag-aaral at lubos na pagkatuto.
Batay sa report ng World Bank, sa loob ng halos 30 taon ay walang pagbabago sa paglaganap ng undernutrition sa Pilipinas.