Lusot na sa House Committee on Energy ang panukala para sa pagpapalawig pa sa corporate life ng Power Sector Assets and Liabilities Management Corp. (PSALM).
Sa ilalim ng inamyendahang probisyon sa House Bill 10006, pinapalawig pa ng 30 taon ang corporate life ng PSALM mula sa orihinal na expiration nito sa June 26, 2026.
Ayon kay Energy Committee Chair Mikey Arroyo, 30 years na ang corporate life extension na kanilang inaprubahan mula sa isinagawang pulong ng technical working group.
Isusumite muna ang panukala sa Committee Affairs and Management para sa review at approval saka ito gagawan ng report ng komite para maisalang na sa plenaryo sa pagbabalik sesyon.
Naniniwala si Arroyo na hindi na dapat hintayin pa ng pamahalaan ang susunod na administrasyon upang palawigin ang corporate life ng PSALM.
Itinatag ang PSALM salig sa Republic Act 9137 o EPIRA upang maayos ang assets at liabilities ng National Power Corporation o NPC hanggang sa maisapribado ito.
Una naman nang nagbabala si Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda, na kung hindi mapapalawig ang corporate life ng PSALM ay sasaluhin ng gobyerno ang nasa P198 billion na pagkakautang nito.