Suportado ng ilang health expert ang apela ni Health Secretary Francisco Duque III na palawigin ang Alert Level 2 status sa Metro Manila hanggang sa unang quarter ng 2022 sa harap ng banta ng Omicron variant.
Sabi ni infectious diseases expert Dr. Rontgene Solante, mabuti nang nag-iingat lalo ngayong papalapit na ang holiday season.
Sinang-ayunan naman ito ni UP Pandemic Reponse Team Spokesperson Dr. Jomar Rabajante.
Aniya, hindi lang din dapat basta nag-aanunsyo ng alert level ang gobyerno dahil mahalagang natatapatan ito ng epektibong implementasyon ng COVID-19 protocols.
Samantala, tinutulan naman ni Dr. Tony Leachon, dating special adviser ng National Task Force Against COVID-19, ang planong pagbabalik ng face shield policy.
Ayon kay Leachon, bukod sa napatunayang hindi ito epektibo, naging simbolo na rin ito ng umano’y korapsyon.
Giit niya, travel ban ang kailangan para mapigilan makapasok sa bansa ang Omicron variant at hindi ang pagsusuot ng face shield.