Magkakaroon ng re-assessment ang mga alkalde kung palalawigin pa ang class suspension sa Metro Manila sa gitna ng banta ng COVID-19.
Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año – pag-uusapan rin ng Metro Manila Mayors kung paano ipapatupad ang social distancing at mga protocol hinggil dito.
Aniya, inatasan na din nila ang Philippine National Police (PNP), Metro Manila Mayors at lahat ng opisyal ng mga barangay na tiyaking walang bata na makikita sa mga pampublikong lugar o matataong lugar.
Kasabay nito, tiniyak ni Año na handa ang gobyerno sakaling ipatupad ang lockdown sa metro manila.
Gayunman, maari lamang aniyang isailalim sa lockdown ang National Capital Region sa oras na itaas ang Health Alert Level para sa COVID-19 sa Code Red Sub-Level 2.
Sa ilalim kasi aniya ng Sub-Level 2 ng Code Red, kumpirmado na ang community transmission.
Pero depende pa rin aniya ito sa area kung idedeklara ang sub-level 2 ng code red dahil iba-iba ang interpretations dito, na maaring sa pamamagitan lang ng Local Government Unit o katabing LGUs o kaya ay buong probinsya o rehiyon.