Nais ng Department of Health (DOH) na palawigin pa ang COVID-19 state of calamity sa bansa.
Kasunod ito ng naging pahayag kamakailan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na posileng pahabain niya ang state of calamity hanggang sa katapusan ng taon.
Ayon kay DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, naisinumite na nila ang rekomendasyon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kalakip ang mga pinagbatayan ng ahensya para sa pagpapalawig ng state of calamity.
March 2020 nang magdeklara si dating Pangulong Rodrigo Duterte ng state of public health emergency sa bansa dahil sa coronavirus outbreak.
Lumagda din siya noon ng hiwalay na prokalamasyon na nagdedeklara ng state of calamity sa bansa dahil sa COVID-19.
Tatagal lang sana ito ng hanggang September 2020 pero dalawang beses na na-extend at nakatakda nang mapaso sa darating na September 12.