Pagpapalawig ng DILG sa pamamahagi ng SAP, suportado ng Pasay LGU

Pabor si Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano sa naging desisyon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na i-extend hanggang May 10 ang deadline ng pamamahagi ng Social Amelioration Program (SAP).

Ayon kay mayor Calixto-Rubiano, magkakaroon sila ng pagkakataon o oras para mabigyan ang nasa 46,000 pamilya sa lungsod ng pasay na nasa ilalim ng SAP.

Nabatid na nasa 18,400 families o 40% ng kabuuang bilang ang nakatanggap ng cash assistance mula sa SAP kung saan positibo ang alkalde na matatapos ang pamimigay nito lalo na’t inanunisyo ng DILG na exempted na muna sa curfew ang nasa listahan ng beneficiaries mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).


Pinayuhan din ng DSWD ang senior citizens at persons with disabilities (PWDs) na magpapunta na lamang ng kani-kanilang kamag-anak upang kunin ang cash assistance upang hindi na sila mahirapan at walang anumang insidente na maaaring mangyari.

Iginiit pa ng alkalde na mahigpit pa din ipinapairal ang physical distancing at pagsusuot ng face mask sa mga kukuha ng pera mula sa SAP upang maiwasan magkaroon ng hawaan ng sakit lalo na’t patuloy na tumataas ang kaso ng COVID-19.

Base sa datos ng Pasay City Health Office, nasa 268 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lungsod, 897 ang probable, 32 ang suspected, 24 ang namatay at 65 naman ang nakarekober.

Facebook Comments