Suportado ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez ang panawagan ng ilang Local Government Units (LGUs) sa Inter-Agency Task Force (IATF) na palawigin pa ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Metro Manila pagkatapos ng May 15.
Ayon kay Olivarez na siyang chairman ng Metro Manila Council, kaisa siya ng ibang LGUs na panatilihin ang umiiral na seguridad kaysa isugal ang pagpapatupad ng General Community Quarantine.
Sinabi ng alkalde na kung susundin ang assessment ng health authorities, lubhang delikado pa ang trend ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) kung kaya’t tama lang ang panibagong extension ng ECQ sa National Capital Region (NCR).
Nabatid na sa datos ng Department of Health (DOH), 67% ng kabuuang COVID-19 cases ay mula sa Metro Manila.
Dahil dito, nangangamba si Olivarez na kapag inalis ang ECQ ay babalik sa normal ang lahat pero malaki ang posibilidad na tataas nang husto ang bilang ng kaso ng COVID-19.
Babala pa nito sa mga residente na ang hospital bill ng tinatamaan ng virus ay karaniwang naglalaro sa ₱600,000 hanggang isang milyong piso habang mahal din ang gastos sa cremation.
Samantala, sa Parañaque City naman ay umabot na sa 555 ang confirmed cases habang 37 ang naitalang namatay dahil sa virus.