
Isinulong sa Kamara ang panukalang isama sa mga benepisyaryo ng “Walang Gutom” program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga mahihirap na ina na minimum wage earners at market vendors.
Nakapaloob ito sa House Resolution No. 904 na inihain nina Reps. Dadah Kiram Ismula, Chel Diokno, at Perci Cendaña ng Akbayan Party-list, kasama si Dinagat Islands Rep. Kaka Bag-ao.
Sa panukala, bibigyan ng P3,000 buwanang electronic meal credits ang mga kwalipikadong benepisyaryo.
Kasama rin ang targeted subsidies at credit assistance para sa mga market vendors.
Layunin nitong mapalawak ang food support sa gitna ng tumitinding krisis dulot ng tensyon sa Gitnang Silangan na nagpapataas ng presyo ng langis at mga bilihin.
Ayon kay Rep. Ismula, kapag natulungan ang mga ina at vendor, makikinabang din ang kanilang pamilya at komunidad.










