Nanawagan sa Commission on Elections (Comelec) ang ilang senador na palawigin pa ang rehistrasyon ng pagboto sa loob ng isang buwan.
Batay sa resolusyong inihain nina Senate President Pro Tempore Ralph Recto, Minority Leader Franklin Drilon, Senators Francis Pangilinan, Nancy Binay, Leila De Lima, Risa Hontiveros at Joel Villanueva, nakasaad dito ang mga layunin ng panawagan.
Una, dapat ikonsidera ang epekto ng pandemya sa Pilipinas at gawing mahalaga ang pagpapalawig ng rehistrasyon ng pagboto.
Habang tinukoy rin ng mga senador ang ilang ulit na suspensiyon ng pagpaparehistro sa ilang lugar tulad noong Marso 2021 sa National Capital Region (NCR), Bulacan, Rizal, Laguna at Cavite.
Dalawang linggo naman ang naging pagtigil nito sa NCR, Cavite, Rizal, Laguna, Iloilo, Cagayan de Oro, Lucena na naganap noong August 2021.
Maliban sa mga senador, umabot na sa 50 grupo ng mga kabataan ang nanawagan na rin ng kaparehong layunin sa Comelec.