Pagpapalawig ng saklaw ng 4Ps, ipinag-utos ni PBBM; dagdag ayuda sa 4Ps, aprubado na rin ng pangulo

Iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na isama sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang mga buntis at nagpapasusong ina.

Ang direktiba ay ibinigay ng pangulo sa National Economic and Development Authority (NEDA), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health at iba pang kaukulang ahensya sa sectoral meeting sa Malacañang ngayong araw.

Ayon kay Pangulong Marcos, ito ay para matiyak ang maayos na kalusugan ng mga sanggol sa kanilang unang 1000 araw.


Bukod dito, inaprubahan din ni PBBM ang mungkahi ng DSWD at inatasan ang ahensya kasama ang NEDA na isapinal kung magkano ang dapat na pagtaas para sa kakailanganing dagdag na suporta.

Sa ilalim ng kasalukuyang programa, ang 4Ps beneficiary-family ay tumatanggap ng daycare at elementary grant na P300 bawat bata kada buwan sa loob ng 10 buwan; P500 kada bata bawat buwan sa loob ng 10 buwan para sa junior high school at P700 kada bata bawat buwan sa loob ng 10 buwan para sa senior high school.

P750 kada buwan naman ang tinatanggap ng bawat household sa loob ng isang taon para sa growth development at monitoring ng mga batang nasa edad 2-14 years old.

Facebook Comments