Sentro ng special meeting na ipinatawag ni Pangulong Rodrigo Duterte bukas kasama ang mga miyembro ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) at ilang infectious diseases expert kung may pangangailangan bang palawigin ang pagpapatupad ng travel ban sa United Kingdom.
Matatandaang sa naunang kautusan ng Pangulo, bawal papasukin sa bansa ang mga galing United Kingdom mula hatinggabi ng Disyembre 24 hanggang Disyembre 31, 2020.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, pag-uusapan din sa meeting bukas kung kailangan ding magpatupad ng travel ban sa iba pang mga bansang pinasok na rin ng bagong strain ng COVID-19 kabilang ang Singapore, Nigeria sa Africa at Hong Kong.
Lalamanin din ng pulong kung may kailangang baguhin sa ilang mga patakarang ipinatutupad ng gobyerno.
Ang special meeting ay idaraos bukas ganap na alas-6:00 ng gabi sa Malakanyang.