Inihain ngayon ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ang Senate Bill Number 1546 na nagpapalawig sa bisa ng Bayanihan to Heal as One Act hanggang September 30, 2020.
Ikinatwiran ni Zubiri na sa kabila ng sinasabing flattening the curve o pagbawas sa tinatamaan ng COVID-19 ay patuloy ang local transmission nito dahil araw-araw ay may naitatalang panibagong mga kaso.
Malinaw para kay Zubiri na malayo pa ang pagtatapos ng kasalukuyang sitwasyon kaugnay sa pandemic kaya nananatili ang banta sa buhay at kabuhayan ng bawat isa.
March 23, 2020 nang ipasa ng Kongreso ang Bayahinan Law na hanggang June 30, 2020 lang ang bisa, kaya kailangan itong mapalawig para patuloy na matugunan ng gobyerno ang krisis na dulot ng COVID-19.
Itinatakda ng batas ang kapangyarihan ng Pangulo para mag-realign o maglipat-lipat ng pondo sa national budget.
Ito ay para may magamit sa pagbibigay ng ayuda sa mga higit na apektado na nangangailangan, mapalawak ang medical resources para labanan ang COVID-19, at matustusan ang mga hakbang para manatiling nakatayo ang ekonomiya.
Una nang naghain ng kaparehong panukala sa Kamara si Cagayan de Oro Representative Rufus Rodriguez.