Kailangang mapalawig ang dalawang linggong target ng Commission on Elections para sa pagsasagawa ng random manual audit.
Sinabi ni COMELEC Commissioner Luie Tito Guia, na para makumpleto ang proseso ng RMA, kailangang dagdagan ang panahon ng pagsasagawa nito.
Sa nakalipas kasi na syam na araw na pagsasagawa ng RMA nakaka-241 pa lang ang audit team mula sa napiling 715 sample clustered precincts.
Nangangahulungang nag-aaverage ng 26.7 clustered precincts kada araw ang natatapos sa random manual audit.
Kaya ang nalalabing 474 clustered precincts, mahigit dalawang Linggo pa nila itong matatapos kung pagbabasehan ang 26 precincts na natatapos kada araw.
Ang RMA ay ang mano-manong pagbusisi sa mga balota mula sa mga piling presinto.
Bibilangin ng mga guro ang mga boto batay sa visual appreciation sa shading, at ikukumpara ang resulta ng mano-manong bilangan sa resulta ng pagbasa ng vote counting machine sa balota na syang nakasaad sa printed election returns mula sa mga VCM ng napiling clustered precincts.