Manila, Philippines – Pinag-iisipan ngayon ng LTFRB na paliwigin pa ang deadline sa pagkuha ng pantawid pasada fuel cards.
Nabatid na hanggang sa Biyernes, February 28 na lang maaaring kunin ng mga jeepney driver at operator ang nasabing ayuda mula sa gobyerno.
Noon pang kalagitnaan ng 2018 nang simulan ng DOTr-LTFRB ang programa na pinondohan ng mahigit isang bilyong piso habang P3.5-billion naman ang inilaan ngayong taon.
Pero sa ngayon, nasa 88,209 pa lang ang nakakakuha ng mga cash card mula sa kabuuang 155,000.
Ang problema kasi, nakapangalan ang fuel cards sa mga kooperatiba at operator ng jeep kaya hindi ito makuha ng mga tsuper.
Kaugnay nito, sinabi ni LTFRB Chairman Martin Delgra na pinag-iisipan nilang palawigin ang deadline para maipamahagi na ang lahat ng fuel vouchers na naglalaman ng P5,000.
Samantala, target ng gobyerno na maipamahagi ang ikalawang bugso ng pantawid pasada cash cards sa Abril o Mayo na nagkakahalaga naman ng P20,000.
Layon ng pantawid pasada program na mabigyan ng ayuda ang mga driver at operator ng jeep para makaagapay sa epekto ng mataas na presyo ng langis.