Hindi kuntento sina Senators Nancy Binay at Grace Poe sa pag-urong ng Department of Transportation (DOTr) sa January 11, 2021 ng naunang December 1 na deadline ng pagkakabit ng RFID stickers na syang simula rin ng mandatory cashless system sa mga toll expressways.
Hiling ni Binay, palawigin pa ito hanggang February 2021 dahil siguradong maraming motorista ang mahihirapang magpakabit ng RFID stickers ngayong holiday season dahil madami ang inaasahang babyahe.
Bukod dito ay iginiit ni Binay sa DOTr na panatilihin pa rin ang cash lanes para sa mga one-time users lang ng mga expressway, tulad ng mga nagmumula sa mga malalayong probinsya.
Paliwanag naman ni Senator Poe, dahil sa pandemya ay limitado ang galaw ng publiko o mga motorista kaya tiyak na hindi lahat ng mga ito ay makakapagpakabit ng RFID stickers bago ang itinakdang deadline ng DOTr.
Iminungkahi rin ni Poe na dagdagan ang RFID installation centers o booths na maari ring ipwesto sa mga malls o saan mang open space at sa iba pang estratehikong lugar sa labas ng Metro Manila para sa mga motorista na manggagaling sa mga probinsya.