Suportado ni Vice President Leni Robredo ang posibleng pagpapalawig sa Enhanced Community Quarantine sa Luzon para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.
Pero giit ni Robredo, ‘Crucial’ para sa publiko na maintindihan ang extension kaya dapat itong ipaunawang mabuti ng gobyerno.
“Nakikita kasi natin yung projection, mas makakabuti para mag flatten yung curve kung mahabaan pa, pero sana kasabay ng pag-extend yung lahat na pagtulong lalo na sa maliliit, halimbawa, yung ipamimigay sa mga mahihirap na tulong, sana agad-agad mabigay na, kasi lalong tumatagal, lalong nagiging restless yung tao.”
Dapat din aniyang pabilisin ang pamamahagi ng ayuda.
Para sa Bise Presidente, mas mainam na ipagkatiwala na lang sa mga Local Government Units ang Social Amelioration Program ng DSWD para mas mapabilis ang pagbibigay ng cash assistance sa mga benepisyaryo nito.
Maglagay na lang aniya ng maraming safety nets para maiwasan ang korapsyon.
“Sana hindi masyadong centralized yung pagbigay, yung DSWD, napakahusay naman na ahensya, pero kung lahat nasa kanya yung responsibility, baka matagalan, kaya sana ipagkatiwala na nila yun sa LGUs, maglagay na lang ng parang transparency and accountability measure. Ang pinaka-unang magrerespond parati ay ang LGU, kasi sya talaga yung gagambalain ng tao pag hindi umaaksyon, ako, tingin ko yung mga LGU ginagawa din ang lahat ng makakaya, pwedeng kulang pero lahat sumusubok”.
Si VP Leni Robredo sa programang Biserbisyong Leni sa RMN.