Pagpapalawig sa estate tax amnesty, pasado na sa ikatlo at huling pagbasa

Pinagtibay na rin sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang panukala na magpapalawig sa estate tax amnesty.

Sa botong 209 Yes at wala namang pagtutol ay naaprubahan sa huling pagbasa ang House Bill 7068 na layong amyendahan ang R.A. 11213 o ang Tax Amnesty Act.

Sa ilalim ng panukala ay palalawigin ng hanggang apat na taon mula sa kasalukuyang dalawang taon ang paghahain ng estate tax.


Sa kasalukuyan ay hanggang dalawang taon lamang ang bisa ng batas matapos itong aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong February 2019.

Ang mga taxpayers na mag-a-avail ng estate tax amnesty ay magkakaroon ng immunity o proteksyon sa civil, criminal, at administrative cases gayundin sa pagbabayad ng penalty.

Ayon kay Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda, maikokonsidera na stimulus bill ang estate tax amnesty extension dahil makapagbibigay ito ng dagdag na revenue o kita sa pamahalaan.

Nagpapasalamat naman ang mga may-akda ng panukala na sina Majority Leader Martin Romualdez, Tingog Partylist Rep. Yedda Marie Romualdez at Zamboanga Sibugay Rep. Wilter Palma II sa suporta ng mga kongresista dahil mabibigyan ng kaluwagan at pagkakataon na makapagbayad pa ang mga indibidwal ng kanilang estate tax.

Facebook Comments