Masusing pinag-aaralan ngayon ng Department of Agriculture (DA) kung palalawigin pa ang pagpatutupad ng suggested retail price o SRP sa sibuyas.
Ang plano ng DA ay matapos na itakda sa ₱250 kada kilo ang SRP ng sibuyas makaraang sumipa ang mataas na presyo nito.
Ayon kay DA Spokesperson Asec. Kristine Evangelista hanggang January 7, 2023 lang ang implementasyon ng SRP sa sibuyas kung saan ay makikipagpulong sila sa mga stakeholder para malaman kung may pagbabago na sa farmgate price ng sibuyas.
Paliwanag ni Evangelista na sa ganitong paraan aniya nila makikita kung may pangangailangan pa na magtakda ng SRP o hayaan na ang dikta ng merkado dahil sa pababang presyo.
Base sa pagtaya ng DA, lalo pang tataas ang suplay ng sibuyas ngayong pumapasok na ang anihan sa Tarlac, Pangasinan at Nueva Ecija.
Na-monitor din ng DA dahil sa implementasyon ng SRP ang pagtigil sa pagbebenta ng sibuyas ng mga vendor sa Mega QMart.
Naniniwala ang DA na hindi kakayanin ng mga tindera na ibaba sa SRP ang presyo ng sibuyas lalo pa’t mataas na rin ang pasa ng mga supplier sa kanila kung saan tumulong na rin ang DA para ilapit sila sa mga farmers’ cooperative na kayang magbigay ng mas mababang presyo ng sibuyas.