Pagpapalawig sa paggamit ng teknolohiya para labanan ang krimen, iginiit ng isang kongresista sa PNP

Iminungkahi ni Bicol Saro Partylist Representative Brian Raymund Yamsuan sa Philippine National Police (PNP) na palawigin ang paggamit nito ng digitalized crime reporting system at iba pang hakbang gamit ang teknolohiya laban sa kriminalidad.

Mensahe ito ni Yamsuan makaraang ilunsad kamakailan ng PNP sa Metro Manila ang Law Enforcement Reporting and Information System (LERIS) na isang digitalized policing app kung saan maaring mag-report ang publiko ng mga krimen o mga kahina-hinalang insidente gamit ang kanilang mga cellphone.

Sabi ni Yamsuan, mainam kung magsasagawa ng information drive sa social media hinggil dito ang National Capital Region Police Office (NCRPO) upang magkaroon ng sapat na kaalaman ang publiko kung paano gamitin ang LERIS sa pamamagitan ng egovph app.


Bukod dito ay buo rin ang suporta ni Yamsuan sa plano ni PNP Chief General Rommel Marbil na bumili ng mga body-worn cameras na may artificial intelligence (AI) capabilities.

Suhestyon ni Yamsuan, dapat isailalim ng PNP sa pagsasanay ang mga tauhan nito para maging epektibo at tama ang paggamit nila ng body cameras may taglay na AI.

Facebook Comments