Pagpapalawig sa period ng special session ng Kongreso para maipasa ang 2021 national budget, inihirit ng isang mambabatas

Nanawagan ngayon si Albay 1st District Representative Edcel Lagman na dapat pang palawigin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang period sa special session ng Kongreso.

Kasunod na rin ito ng kautusan ng Pangulo Duterte sa Kongreso na magdagdag ng apat pang mga araw para makapagsagawa ng special session upang maipasa sa itinakdang oras ang 2021 national budget.

Giit ni Lagman, kulang ang apat na araw na special session na tatakbo mula October 13 hanggang 16, 2020 para maipasa sa second at final reading ang 2021 General Appropriations Bill.


Aniya, maraming dapat pang busisiin sa budget deliberation lalo na’t pondo ng mahahalagang ahensya ng gobyerno ang mga hindi pa natatalakay.

Nabatid na welcome para sa Senado at Kamara ang pagpapatawag ni Pangulong Duterte ng special session.

Sa ilalim ng Saligang Batas, ang lahat ng mga batas ukol sa pondo ay kailangang magmula muna sa Mababang Kapulungan ng Kongreso bago maiakyat sa Senado.

Nakasaad din sa 1987 Constitution na kapag idineklarang urgent ng Pangulo ang isang panukala maaari nang ipasa ito ng hindi na kinakailangan pa ng pagbasa sa magkaka-ibang araw.

Facebook Comments