Pagpapalawig sa sesyon kahit matapos ang first regular session ng 18th Congress, kinatigan ng ilang mambabatas

Pabor ang ilang mga Kongresista sakaling i-extend o palawigin pa ang sesyon ng Kamara kahit pa sine die adjournment na sa June 6 bilang paghahanda sa 2nd regular session ng 18th Congress at sa State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo sa July 27.

Kaugnay nito, ay pinalutang ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang kahandaan umano ng Kamara na palawigin pa ang sesyon para matapos ang mga panukalang may kinalaman sa pagtugon sa COVID-19 kahit pa tapos na ang first regular session.

Ayon kay Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor, payag siyang mag-overtime at i-extend pa ang session para matutukan at matapos ng mga mambabatas ang mga panukala para sa COVID-19 response, economic stimulus at pagpapatupad ng “new normal”.


Iminungkahi ni Defensor na para magawang i-extend ang sesyon ay dapat na magpatawag si Pangulong Rodrigo Duterte ng special session sa ilalim ng mandatory adjournment na mula June 6 hanggang July 24.

Mahigpit kasi aniya na nakasaad sa probisyon ng Section 15, Article 6 ng Legislative Department na magko-convene ang Senado at Kamara tuwing ika-apat ng Lunes ng Hulyo at magtatapos 30 araw bago ang muling nakatakdang opening ng session.

Pina-aamyendahan naman ni Ako Bicol Rep. Alfredo Garbin ang Legislative Calendar para makapagsagawa pa rin ng mga pagdinig at sesyon ang Kongreso.

Facebook Comments