Pagpapalawig sa validity ng pasaporte at driver’s license, hindi dapat magresulta ng dagdag singil – Senator Recto

Manila, Philippines – Iginiit ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto sa pamahalaan na hindi dapat magresulta sa dagdag singil ang extension sa validity ng passport at driver’s license.

Ang pahayag ay ginawa ni Recto, makaraang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas para sa 5 taong validity ng driver’s license mula sa kasalukuyang tatlong taon.

Nilagdaan din ng pangulo ang batas na nagtatakda ng 10 taong bisa ng pasaporte maliban sa mga disi ocho anyos pababa na mananatiling hanggang 5 taon pa rin.


Binigyang diin ni Recto na hindi ito dapat na pagkakitaan o tubuan ng Department of Foreign Affairs at ng Land Transportation Office dahil ang mga ito ay bahagi ng serbisyo ng gobyerno at hindi dapat gawing negosyo.

Maliban sa bahagi ng campaign promises ng pangulo, tugon ang nabanggit na batas sa backlog o mahabang pila at proseso sa pagkuha ng nabanggit na mga dokumento.

Si Senator Grace Poe naman, umaasa na hindi aabusuhin ng mga motorista ang mas mahabang validity ng kanilang driver’s license.

Paalala ni Senator Poe, maaring pagkalooban ng hanggang sampung taong bisa ng lisensya ang mga motorista na walang magiging paglabag sa batas-trapiko.

Facebook Comments