Inihain sa Kamara ni Cebu Representative Raul del Mar ang House Joint Resolution Number 28 na layong palawigin ang validity ng franchise ng ABS-CBN na mapapaso na sa March 30.
Ang paghahain ni del Mar ng Joint Resolution ay kasunod ng paghahain ni Senator Franklin Drilon ng panukala na nagbibigay sa Kamara ng sapat na panahon para talakayin ang ABS-CBN franchise.
Sa ilalim ng Joint Resolution, i-e-extend ng Kongreso ang validity ng kasalukuyang franchise ng giant network hanggang June 30, 2022.
Sa ganitong paraan din ay matitiyak ang tuloy-tuloy na operasyon ng Lopez-led company habang dinidinig din ng Kongreso ang renewal ng franchise nito.
Agad namang na-i-refer sa House Committee on Legislative Franchises ang Joint Resolution.
Kahapon ay nasimulan na rin ng Komite ang proceedings para sa pagdinig ng panukala kung saan tinanggap na ang mga position papers ng mga pro at anti sa ABS-CBN franchise renewal.