Iginiit ni Vice President Leni Robredo na ang pagpapalaya sa convicted rapist at murderer na si Antonio Sanchez ay sasalungat lamang sa intensyon ng good conduct time allowance law.
Sa ilalim kasi ng batas, pinapayagan ang mga convict na makalaya ng maaga mula sa itinakdang panahon ng kanilang sentensya base sa mga nagawa nilang mabuti sa loob ng piitan.
Para kay Robredo – maraming nagawang paglabag ang dating alkalde habang siya ay nakakulong kabilang na rito ang pagkakasamsam ng ilegal na droga at pagkakaroon dati ng magarbong kubol.
Ikinagalit rin niya nang matanggap ang ulat ng napipintong paglaya ni Sanchez dahil sumariwa muli ang mga ginawang pambababoy nito sa dalawang estudyante ng U.P. Los Baños na sina Eileen Sarmenta at Allan Gomez.
Bago rin ito, may kinaharap na rin na dalawang murder case ang dating alkalde.
Noong March 11, 1995, hinatulan si Sanchez ng pitong counts ng reclusion perpetua o 40 taong pagkakakulong.