Manila, Philippines – Ikinumpara ng isang kongresista sa ipinuslit na 6.4 Billion na shabu sa Bureau of Customs ang pagpayag ng korte na palayain si dating Senador Jinggoy Estrada.
Ayon kay ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, nangangamba siya na tulad sa katiwalian sa Customs, kahit malinaw na may krimen na nangyari ay wala pa ring napaparusahan.
Unti-unti aniya ay pinalalabas na mahina ang kaso laban sa isa sa mga pinakamalaking isda na sangkot sa pork barrel scam kaya nakakabahala na napipinto na rin ang pagbibigay ng immunity sa pork barrel scam queen na so Janet Lim-Napoles.
Hindi inaalis ng kongresista na magagamit ang testimonya ni Estrada at Napoles sa mga kaaway ng administrasyon.
Napapako na aniya ang pangako ng Pangulong Duterte na ipaglaban ang katiwalian sa gobyerno dahil sa mga naunang hakbang ng pamahalaan tulad ng pagpapalaya kay dating Pangulong Gloria Arroyo at planong pagbibigay ng immunity sa isyu ng ill-gotten wealth sa mga Marcos.