Hiniling ng mga senador ang agad na pagpapalaya kay dating Senator Leila de Lima matapos ang nangyaring pangho-hostage dito ng isa sa tatlong preso na nagtangkang tumakas sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center.
Ayon kay Senator Risa Hontiveros, ang nangyaring karahasan kay De Lima ang pinakahuling akto ng kawalang-katarungan laban sa dating senadora.
Nananawagan si Hontiveros sa pagpapalaya ngayon kay De Lima mula sa hindi makatwirang pagpapakulong at ang agarang pagbasura ng korte sa mga kaso laban sa dating senadora.
Iginiit ng senadora na hindi sana nangyari ang insidente kung simula pa lamang ay hindi na kinulong si De Lima dahil sa mga walang basehan na kaso.
Kinalampag naman ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang korte na mabilis na resolbahin ang usapin sa pagpyansa ni De Lima.
Nababahala aniya siya para sa kaligtasan ng dating kasama sa Senado kasabay ng hiling din nito sa mabilis na paggulong ng hustisya sa bansa.
Ganito rin ang sentimyento ni Senator Sonny Angara na agad ikonsidera ang aplikasyon ni De Lima para sa pagpyansa at pagkilala na hindi ito ‘risk’ o banta na aalis ng bansa.
Inihirit naman ni Senator Imee Marcos ang posibilidad na mabigyan ng ‘extended home furlough’ si De Lima tulad ng naunang iginawad ng Department of Justice (DOJ) at PNP sa dating senadora noong sumailalim ito sa isang major surgery procedure noong Hunyo.