Muling nanawagan si Senator Risa Hontiveros na palayain na si dating Senador Leila de Lima.
Sa privilege speech ni Hontiveros, iginiit niya na anim na taon na ang nakalipas mula nang mangyari ang pag-aresto kay De Lima sa Senado dahil sa mga gawa-gawa at walang basehang kaso.
Ayon kay Hontiveros, February 24 ang anibersaryo ng pagkapiit sa detensyon ni De Lima kung saan nalagpasan nito sa kanyang buhay ang mga pang-aalipusta, mga malalaswang pasaring, mapanirang epekto ng pandemya, pagkasawi ng mga mahal sa buhay at lalo na ang nakakagulantang na hostage attack sa dating senadora na hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang imbestigasyon.
Tinukoy ng mambabatas na magkakasunod na binawi ng mga testigo ang kanilang mga naging testimonya at akusasyon sa dating senadora na ilan lang sa mabigat na dahilan para panahon nang palayain si De Lima.
Ipinunto rin ni Hontiveros igawad din kay De Lima ang pagpapalaya na ibinigay sa dating Chief of Staff ni dating Senate President Juan Ponce Enrile na si Atty. Gigi Reyes matapos katigan ng Korte Suprema ang “petition for habeas corpus” na inihain nito.
Sinabi ni Hontiveros na ang karapatan para sa mabilis na paglilitis ay nararapat lamang at maituturing na lehitimong karapatan na maaaring kunin din ni De Lima.
Ang panawagan aniya para sa pagpapalaya kay De Lima ay hindi na tungkol sa nakaraan o sa kasalukuyang administrasyon kundi ito ay patungkol na sa paggiit ng karapatang pantao na entitled ang lahat ng mga Pilipino.