Ipinanawagan ni Bayan Muna Partylist Rep. Eufemia Cullamat ang pagpapalaya sa mahigit 90 magsasaka at land reform advocates na inaresto ng mga otoridad sa Concepcion Tarlac.
Sinasabing ang mga magsasaka at ang iba pang aktibista ay nagsasagawa ng “bungkalan” o ” collective farming activity” sa lugar nang sila’y arestuhin ng mga pulis dahil sa “malicious mischief at obstruction of justice.”
Giit ni Cullamat, tulong at hindi kulong ang kailangan ng mga magsasakang iligal na inaresto ng mga awtoridad.
Masahol aniya ang ginawa sa mga magsasaka dahil hinuli sila sa pagnanais lamang na makapagtanim upang may makain sa gitna ng kahirapan sa pandemya at nagtataasang presyo ng mga bilihin.
Tinukoy pa na ang lupa kung saan sila nagsasagawa ng bungkalan ay lupa na dapat noon pa naipamahagi sa kanila.
Kinalampag din ni Cullamat ang susunod na Kongreso na isulong at isabatas ang Genuine Agrarian Reform Bill upang tugunan ang batayang problema ng mga magsasaka.