Pagpapalaya sa mga low-risk detainees, inihirit na rin ng ilang kongresista

Hinimok ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez ang Korte Suprema at ang Department of Justice (DOJ) na ikunsidera na ang pagpapalaya sa mga low-risk at vulnerable na mga bilanggo tulad ng mga senior citizens sa gitna na rin ng patuloy na pagkalat ng COVID-19.

Mababatid na siyam na inmates ng Quezon City Jail ang nagpositibo sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Apela ni Rodriguez, bago lumala at kumalat sa mga kulungan ang virus ay payagan na ng SC at DOJ ang pagpapalaya sa mga low-risk at vulnerable detainees.


Batid naman, aniya, na siksikan ang mga preso sa kulungan at isa lang ang magpositibo ay tiyak ang mabilis na pagkalat nito.

Imposible rin, aniyang, maipatupad ang social distancing sa mga detention facilities kaya kung mapapalaya ang ilan ay malaking kaluwagan din ito sa lugar ng mga preso.

Hirit pa ng kongresista, magtakda ng kondisyon ang korte sa palalayaing detainees katulad ng pagharap sa kaso pagkatapos ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Facebook Comments