
Pinagdebatehan na sa plenaryo ng Senado ang ginawang pagpapaliban sa impeachment proceedings at ang isyu kung maipagpapatuloy sa 20th Congress ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa manifestation ni Senate Majority Leader Francis Tolentino, tinukoy nito ang Supreme Court rulings na Neri v. Senate at Balag v. Senate kung saan batay sa rule 44, section 123 ng Senate rules, ang lahat ng legislative at mga iniimbestigahan ng Mataas na Kapulungan ay sabay ding mate-terminate sa pagtatapos ng Kongreso at ang prinsipyong ito ay kinikilala internationally.
Dahil dito, maituturing nang “functionally dismissed” ang impeachment case at hindi na ito pwedeng aksyunan ng 20th Congress dahil sa kawalan ng constitutional authority.
Kapwa kinontra naman ito nina Senate Minority leader Koko Pimentel at Senator Risa Hontiveros.
Tinukoy ng dalawang senador ang Supreme Court ruling sa Pimentel Jr. v. joint committee of Congress kung saan ipinunto dito na ang mga non-legislative functions tulad ng impeachment trials ay hindi maapektuhan ng pagbabago ng Kongreso.









