Pagpapaliban ng Barangay at SK Election ngayong taon, wala pa ring kasiguraduhan

Manila, Philippines – Ilang buwan na lamang bago ang Oktubre para sa gagawing Barangay at Sangguniang Kabataang Election ay wala pa ring nabubuong consensus ang Senado at Kamara kung tuloy ang pagpapaliban dito.

Ayon kay House Majority Leader Rodolfo Fariñas, wala pa ring katiyakan kung matutuloy ang postponement kahit pa si Pangulong Duterte na ang nag-utos na ipagpaliban ang Barangay at SK election para malinis muna ang mga narco-politicians sa mga barangay.

Sa Kamara ay marami aniyang pabor sa Barangay at SK elections postponement at ang pagtatalaga ng Pangulo ng OIC sa mga mababakanteng posisyon sa barangay.


Ang nagiging hadlang sa postponement ay taliwas dito ang Mataas na Kapulungan dahil hindi umano napagkakasunduan ang issue ng hold over ng mga incumbent barangay officials o pagpayag sa pagtatalaga ng OIC.

Sa Kamara, ilang panukalang batas para sa barangay at sk election postponement ang naihain pero hindi pa rin nailulusot sa House Committee on Suffrage and Electoral Reforms.

Samantala, simula alas dose ng tanghali ay suspendido na ang pasok ng mga empleyado dito sa Mababang Kapulungan.

Ayon kay House Sec. Gen. Cesar Pareja bago pa man lumala ang sitwasyon at pagbaha ay pauuwiin na nila ang mga congressional staff mamayang tanghali.

Facebook Comments