Sa botong pabor ng 18 mga Senador, lusot na sa ikalawang pagbasa sa Senado ang Senate Bill number 2214 o panukalang pagpapaliban sa 2025 ng halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na nakatakda sa 2022.
Layunin ng panukala na susugan ang ilang probisyon ng Bangsamoro Organic Law upang palawigin ang termino ng kasalukuyang Bangsamoro Transition Authority o BTA hanggang Hunyo 30, 2025.
Ang BTA ang nagsisilibing interim BARMM parliament sa ilalim ng Bangsamoro Organic Law.
Paliwanag ni Senador Francis Tolentino, ang pagpapaliban ng BARMM polls at pagpapalawig ng BTA ay upang matiyak na tuloy-tuloy na maipatutupad ang repormang politikal at normalization.
Ito ay pangunahing napagkasunduan ng pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front (MILF) na nakapaloob sa ilalim ng 2015 Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB).
Base sa pag-aaral ng Commission on Election (COMELEC), hindi maaring ituloy ang BARMM elections kung walang regional electoral code sa kadahilanang ito ang magiging basehan sa reapportionment at redistricting ng mga parliamentary districts sa rehiyon.
Hindi pa rin aprubado hanggang ngayon ang draft ng BARMM electoral code dahil apektado ng mga lockdown dulot ng COVID-19 pandemic ang sesyon ng interim Bangsamoro parliament.
Dahil sa mga lockdown ay hiniintay pa rin ng BTA ang mga datos mula 2020 Census ng Philippine Statistics Authority (PSA).