Hindi minamasama ng mga senador ang pagpapaliban ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na lagdaan ngayon ang P6.352-T na 2025 National Budget para isailalim muna sa malalim na pag-review.
Ayon kina Senate President Chiz Escudero at Senate Committee on Finance Chairperson Grace Poe, ang hindi muna pagpirma ng pangulo sa budget para suriin muna ay bahagi ng checks and balances ng budgetary process sa ilalim ng ating Konstitusyon.
Sinabi ni Escudero, prerogative at karapatan ng punong ehekutibo na repasuhin, aralin at i-line-item veto ang pambansang pondo bago ito pinal na aprubahan at lagdaan.
Aniya pa, ganito naman ang ginagawa kada taon sa General Appropriations Bill lalo na’t mahaba, kumplikado, at maraming detalye sa National Budget.
Sinabi naman ni Poe na ang pagpapaliban ng pangulo sa paglagda sa budget ay bahagi ng isang healthy democracy at may kapangyarihan ang Presidente na suriin, aprubahan o i-veto ang panukalang General Appropriations Act (GAA).
Naniniwala ang senador na nabibigyan naman ng mga economic managers ng best advice si PBBM patungkol sa lagay ng pambansang pondo.