Tutol ang dalawang election watchdog sa panukala ng ilang mga mambabatas sa pagpapaliban ng 2022 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Disyembre 5.
Ayon kay Legal Network for Truthful Elections (LENTE) Atty. Ona Caritos, ang muling pagpapaliban ng BSKE ay pagpapakita lang na inaalis nito ang karapatan ng mga mamamayang Pilipino na pumili ng kanilang mga barangay officials na susuri sa mga problema kabilang na ang pagtugon sa COVID-19 pandemic.
Punto pa ni Atty. Caritos, hindi na dapat mapalawig pa ang termino ng mga kasalukuyang nakaupo sa bawat barangay lalo na’t kung ang mga namumuno ay hindi magaling o hindi nagtatrabaho ng mabuti.
Para naman kay National Citizens’ Movement for Free Elections (NAMFREL) Secretary-General Eric Alvia, ang pagpapaliban ng nasabing eleksyon ay bubuo ng
pagtitipid ng gobyerno bilang isang “flimsy excuse.”
Paliwanag ni Alvia, malaki na ang nagagastos ng Commission on Elections (COMELEC) para sa paghahanda sa 2022 BSKE sa December na aabot na sa P8 bilyon.
Dagdag pa ni Alvia , dapat maging regular ang halalan dahil ito ay isang paraan para masuri ng mga tao ang mga pinuno sa kanilang komunidad.
Nabatid na ilang mambabatas ang nagsusulong ng pagpapaliban sa BSKE ngayong taon kung saan sinabi ni House Majority Leader Martin Romualdez na makakatipid ang pamahalaan ng P8.141 bilyon kung ipagpapaliban ang nasabing eleksyon.
Sakaling ipagpaliban ang BSKE, ito na ang magiging ika-apat na pagkakataon na hindi tinuloy ng Kongreso ang Barangay at SK Elections simula noong Oktubre 2016.