Iginiit ni Basilan Rep. Mujiv Hataman ang pagpapaliban sa May 2024 ng barangay at Sangguniang Kabataan Elections na nakatakdang gawin sa Disyembre 5 ngayong taon.
Sa inihaing House Bill No. 3384 ay ipinaliwanag Hataman na napakamahal ng gastos para sa preparasyon at aktwal na botohan dahil sa ating pagnanais na maging ligtas ang lahat ng nais na bumoto.
Sa katunayan ayon kay Hataman, sa kasaysayan ng Pilipinas ay pinakamalaki ang nagastos sa katatapos na COVID-proof elections nitong Mayo kung saan ₱1 bilyon ang pondo sa COVID-19 supplies sa mga polling precint tulad ng face masks, alcohol, plastic acetates, at antigen tests sa mga election officer.
Diin ni Hataman, nasa gitna pa rin tayo ng rumaragasang pandemya, hindi pa balik-normal ang lahat at hindi natin sigurado kung ano ang kalagayan ilang buwan mula ngayon.
Kaya giit ni Hataman, makabu3buti kung makakatipid tayo ngayong taon at magamit pa sa ibang bagay ang pondong nakalaan sa halalan.
Tinukoy rin ni Hatamaan na halos 80 mga bansa ang nagpasya na ipagpaliban din ang kanilang national at subnational elections dahil sa COVID-19 pandemic.