Nilinaw ni Senator Francis Tolentino na pupwede pa ring maipagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa kabila ng naging desisyon kamakailan ng Korte Suprema na ideklarang unconstitutional ang ipinasang batas na nagpo-postpone sa 2022 BSKE.
Ayon kay Tolentino, kahit pa sinasabing labag sa Konstitusyon ang Republic Act 11935 o ang batas na nagpapaliban sa December 5, 2022 Barangay at SK Elections sa darating na Oktubre 2023, malinaw naman sa desisyon ng Supreme Court na anumang election postponement sa hinaharap ay dapat salig sa guidelines na itinakda ng korte tulad ng pagkakaroon ng public emergency.
Binigyang diin ni Tolentino na walang sinasabi sa bagong Supreme Court decision na bawal na ang anumang pagpapaliban sa Barangay at SK Elections.
Aniya pa, hindi rin mapipigilan ang mga susunod pang Kongreso na ipagpaliban ang halalan basta’t mahigpit na susunod lamang sa mga guidelines na itinakda ng kataas-taasang hukuman. s
Ipinunto pa ng senador na kinikilala rin ng Korte Suprema ang kapangyarihan ng Kongreso na magsulong at magsabatas ng “hold overs” o magpatuloy sa tungkulin ng mga kasalukuyang barangay at SK officials taliwas sa argumento ng mga petitioners na ito ay maituturing na “legislative appointments”.