Manila, Philippines – Pinasesertipikahan ni House Speaker Pantaleon Alvarez kay Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan Election.
Ayon kay Alvarez, makakatulong kung masesertipikahan agad ang panukala upang makapamili na agad ng mga itatalagang officers-in-charge.
Hindi na maaaring manatili ang mga kasalukuyang barangay officials dahil hindi na entitled ang mga ito sa pwesto.
Sa ipapasang batas ng Kongreso ay maglalaman ng probisyon na nagbibigay kapangyarihan sa DILG para magtalaga ng OICs.
Suportado naman ni Alvarez ang panawagan ni Pangulong Duterte sa pagpapaliban ng Barangay at SK elections ngayong taon.
Aniya, batid nila na hindi pa lubusang nalilinis ang hanay ng mga opisyal ng barangay sa pagkakasangkot sa iligal na droga.
Inaasahang agad na tatalakayin sa Kamara ang panukalang pagpapaliban sa barangay at SK election sa pagsisimula ng 2nd regular session ng 17th Congress pagkatapos ng SONA sa July 24.