
Nangangamba ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa lumulutang na balak ng administrasyong Marcos na muling ipagpaliban ang BARMM elections sa Oktubre.
Sa ginanap na pulong balitaan sa Senado, nagpahayag si MILF Vice Chairman Mohagher Iqbal na nais ng mga taga-BARMM at mga myembro ng MILF na matuloy ang eleksyon ngayong taon.
Sinabi naman ni Senator Imee Marcos na nagharap kay Iqbal sa Senado, na nababahala ang MILF na posibleng idahilan ng pamahalaan sa pagpapaliban ng BARMM elections ay ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na nakatakda sa Disyembre.
Kung ang senadora ang tatanungin, ang mas dapat na ipagpaliban ay ang BSKE dahil higit dalawang taon pa lang na nakaupo ngayon ang mga opisyal.
Umaasa naman ang MILF na pakikinggan sila ng pamahalaan at ng Kongreso bilang matagal na katuwang ng gobyerno ang grupo sa pagsusulong ng kapayapaan sa Mindanao.









