Pagpapaliban sa board exams, kinuwestyon ni Senator Villanueva

Kinwestyon ni Labor Committee Chairman Senator Joel Villanueva ang biglang pagkansela ng Professional Regulation Commission sa mga nakatakdang board exam.

Tinukoy ni Villanueva ang board exams ng mga psychologist at psychometricians na nakatakda sa Agosto 1 at 2 na kinansela pa rin kahit may provisional approval ng Inter-Agency Task Force (IATF) na ituloy ang mga exam mula Hulyo hanggang Setyembre.

Binanggit din ni Villanueva ang biglaan ding pagkansela sa board exams para sa metallurgical engineering na may 49 examinees lamang.


Ipinaalala ni Villanueva na sumulat pa siya sa Professional Regulation Commission (PRC) noong Marso at nagbigay ng mga suhesyon kung paano maipagpapatuloy mga licensure exam tulad ng computerization at pagpapalawig ng mga testing site.

Giit ni Villanueva, simula nitong pandemya ay maraming programa at paraan na ang ipinatutupad ng higher education institutions upang makasabay sa pangangailangan ng ating mga mag-aaral ngayong new normal, at siguruhing walang maiiwan pagdating sa kanilang edukasyon.

Dismayado si Villanueva na tila hindi nakakasabay ang PRC sa mga pagbabagong dulot ng pandemya at nakakalungkot na apektado rito ang ating mga graduate.

Facebook Comments