Lusot na sa ika-2 pagbasa ang Senate Bill 1306 o ang panukalang batas na nagpapaliban ng isang taon sa Barangay at Sangguniang Kabataan Election (SK).
Dalawa lamang sa mga senador ang bumoto ng “No” sa panukala na sina Senators Koko Pimentel at Risa Hontiveros.
Matapos ang ‘period of interpellation’ ay hindi na sumalang sa committee amendments ang panukala dahil ito naman ay substitute bill at agad ding dumiretso sa individual amendments ang panukala.
Isang amendment ni Senator Alan Peter Cayetano ang ipinasok ni Senator Imee Marcos kung saan ipinadadagdag ang phrase na ang mga indibidwal na eligible na kandidato para sana sa December 5, 2022 Barangay at SK elections ay pinatitiyak na qualified pa rin sa halalang pambarangay at SK sa December 2023.
Hindi naman tinanggap ni Marcos ang pahabol na individual amendment ni Senator Risa Hontiveros na sa halip na December, 2023 ay sa May, 2023 idaos ang BSKE dahil naisara na ang botohan sa 2nd reading.
Sa ilalim ng panukala ay ipinadaraos ang Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) Elections sa ikalawang Lunes ng December, 2023 at ang panunungkulan sa mga nahalal sa petsang ito ay magsisimula sa January 1, 2024.
Ang susunod naman na halalan para sa Barangay at SK ay gaganapin na sa ikalawang Lunes ng Mayo, 2026, at mula sa petsa na ito ay idaraos na ang eleksyon tuwing ikatlong taon.
Ang mga maluluklok sa May, 2026 ay mag-uumpisa naman ang panunungkulan sa June 30, 2026.