Pagpapaliban sa licensure exam para sa medical professionals, nakaapekto sa mataas na demand para sa mga doktor at nurse sa government hospitals

Malaki pa rin ang gap hanggang ngayon sa pangangailangan ng mga doktor at nurse sa mga government hospital.

Sa pagdinig ng House Committee on Civil Service and Professional Regulation, sinabi ni Health Asstistant Secretary Kenneth Ronquillo na nasa 5,521 na mga doktor at nurses ang kailangan sa mga ospital ng gobyerno para tugunan ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga nagkakasakit ng COVID-19.

Tinukoy ni Ronquillo na nakaapekto nang husto sa augmentation ng mga doktor at nurse ang pagpapaliban sa March hanggang June na licensure exam ng Professional Regulation Commission (PRC).


Dahil sa napostponed na board exam ay hirap ngayon ang mga government hospitals na makakuha ng dagdag na workforce para sa COVID-19 response.

Aniya pa, nagsagawa na sila noong Abril ng emergency hiring ng medical professionals, pero sa 882 na kailangang mga medical officers ay 344 lamang hanggang sa ngayon ang nag-apply sa mga ospital, treatment at temporary monitoring facilities ng pamahalaan.

Batay sa requirement ng human resources for health, ang kinakailangang government doctors ngayon ay 4,430 habang 9,590 naman sa mga nurse.

Sakali mang matuloy ang licensure exam para sa mga physician, midwife, nurse mula Setyembre hanggang Nobyembre ngayong taon ay pinaglalatag ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang PRC ng health standards na ipapatupad sa eksaminasyon.

Partikular na pinakukunsidera sa PRC ang epidemiological context, risk factor ng posibleng pagkalat ng virus at capacity and control measures.

Facebook Comments