Naniniwala ang grupong Teachers’ Dignity Coalition (TDC) na dapat masusing pag-aralan muna ng Department of Education (DepEd) ang pagbubukas ng klase ngayong darating na Agosto 24, 2020.
Ayon kay TDC Chairperson Benjo Basas, nanawagan sila sa DepEd na dapat ikunsidera ang pagpapaliban ng klase sa Agosto dahil napakahalaga umano ng kalusugan at kaligtasan ng mga guro, mga kawani ng paaralan lalo na ang mga batang mag-aaral kung papasok sila sa klase dahil marami pang mga nagpopositibo sa COVID-19.
Paliwanag ni Basas, mas malaking krisis ang kakaharapin ng DepEd kung itutuloy ang pagpasok sa Agosto 24, 2020 lalo pa’t ngayon ay halos nagsisimula pa lamang sa isinasagawang COVID-19 testing at ang sitwasyong ito aniya ay marahil umabot hanggang Agosto.
Hinihikayat ng TDC ang DepEd na muling ikonsidera ang kanilang naunang desisyon kung saan malaki sana umano ang maitutulong ng malawakang konsultasyon sa mga magulang at guro hinggil sa usapin na ito kung pakikinggan ng DepEd at Inter-Agency Task Force (IATF) ang mga suhestiyon at opinion mula sa kanilang hanay.
Giit ni Basas, masasayang lamang ang mass testing sa 27-milyong mag-aaral at isang milyong mga guro bago ang pasukan dahil maaaring hindi rin umano ito maging epektibo sapagkat maaari ngang negatibo sa test ang mga guro at mag-aaral ngayon, pero posibleng positibo na umano kinabukasan.
Dagdag pa ni Basas na kung may pasok na ay magkakaroon ng maraming interaksyon ang mga estudyante at guro mula sa paaralan, sa biyahe at sa kanilang tahanan o komunidad, kung saan ay maaari silang mahawaan ng COVID-19.