Isa pang hiwalay na resolusyon ang inihain sa Kamara patungkol sa deferment ng pagtaas sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) premium contribution.
Sa resolusyon na inihain ng mga kongresista ng Makabayan ay hinihiling dito ang deferment o pagpapaliban sa pagtataas ng singil sa PhilHealth premium contribution ngayong taon at hanggang sa mga susunod na taon o habang nakakaranas pa ng COVID-19 pandemic ang bansa.
Inihihirit din ng Makabayan ang hindi muna pagtataas sa premium rates habang hindi pa nareresolba ang alegasyon ng korapsyon sa PhilHealth.
Tinukoy rin sa resolusyon na sa kabila ng implementasyon ng Universal Health Care Law ay hindi naman totoong nagbenepisyo rito ang mga Pilipino.
Katunayan, sa kabila ng deklarasyon ng public health emergency sa bansa at pandemya ay hindi sakop ng PhilHealth ang buong kabayaran para sa COVID-19 testing at treatment.
Dahil dito, nararapat lamang para sa Makabayan na ipagpaliban muna ang dagdag na paniningil sa premium habang may krisis at may kaso pa ang ahensya.
Mababatid na inihain din sa Kamara ang joint resolution 33 ng 54 na kongresista kung saan pinahihinto ang premium rate hike ng PhilHealth sa buong 2021.