Simula Hunyo 10 bukas na kahit Sabado at Linggo ang punong tanggapan sa Camp Crame at satellite offices ng Philippine National Police (PNP) Firearms and Explosives Office, Civil Security Group para sa paglilisensya ng baril at iba pang firearms-related services.
Ayon kay CSG Director Brig. Gen Benjamin Silo Jr., ito ay para mabawasan ang bilang ng mga loose firearms na resulta ng mga pasong rehistro.
Paliwanag ni Silo, maraming gun owners ang nagrereklamo na hindi nila ma-renew ang kanilang mga lisensya dahil abala sila trabaho tuwing weekdays.
Aniya, maari nang magpunta sa CSG One Stop Shop sa Camp Crame tuwing weekends, maging sa iba’t ibang mga satellite offices at stakeholder assistance center sa mga mall.
Una nang inaprubahan ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr., ang pagpapalawig ng nasabing serbisyo kahit matapos na ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa layuning maghatid ng mabilis, episyente at mahusay na serbisyo publiko.