Walang nakikitang epekto sa pakikipag-ugnayan at pakikipagtrabaho ng Senado sa Kamara kahit magpalit ito ng Speaker.
Reaksyon ito ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa nakatakdang pag-upo ni Congressman Lord Alan Velasco sa October 14, 2020 kapalit ni House Speaker Alan Peter Cayetano.
Ayon kay Sotto, kaya nilang makipagtrabaho sa kahit na sinong House Speaker basta magkapareho ang kanilang perspektibo o pananaw.
Nirerespeto naman ni Senator Christopher “Bong” Go, ang internal processes sa mababang kapulungan.
Para kay Go, ang higit na mahalaga ay ang ipagpatuloy ng buong Kongreso ang pagtalakay sa legislative agenda at mga prayoridad na panukala ng administrasyong Duterte, kasama ang 2021 national budget at iba pang mahalagang panukalang batas.
Binigyang diin pa ni Go na ang importante rin ay magpatuloy lang sila sa trabaho lalo na ngayong may pandemya tayong nilalabanan at palaging unahin ang pagseserbisyo sa mamamayan.