Aminado ang Department of Interior and Local Government (DILG) na hindi naging epektibong paraan ang pagpapalit ng tauhan sa New Bilibid Prison (NBP) sa pagresolba ng problema sa iligal na droga sa piitan.
Sa Malacañang press briefing, sinabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla na kahit anong paghihigpit ang gawin ay nagagawa pa ring makalusot ang illegal drug trade at nakakapasok din ang mga sopistikadong gadgets sa loob ng Bilibid.
Ayon kay Remulla, naging sistema na aniya ito sa NBP, kaya gumagawa ng bagong paraan ang gobyerno dahil kahit palitan ang mga personnel ay hindi pa rin malulutas ang problema sa iligal na droga.
Mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ay alam ang mga pangyayari sa Bilibid kaya iniutos nitong ilipat sa ibang lugar ang mga sangkot sa illegal drug trade.
Nagsasagawa na rin sila ng masusing imbestigasyon para mapanagot ang mga sangkot at kasabwat sa NBP, mula sa mga guwardiya hanggang sa supervisory level.