Wala pang nabubuong rekomendasyon ang Metro Manila Council (MMC) ukol sa paiiraling quarantine restriction sa National Capital Region (NCR) pagkatapos ng May 15.
Ayon kay MMDA Chairman Benhur Abalos, susuriing mabuti ng mga alkalde kasama ang mga health expert at economic team ang sitwasyon bago magbigay ng mungkahi.
Pero para kay Abalos, dapat na unti-untiin ang pagbubukas ng ekonomiya para maiwasan ang panibagong COVID-19 surge gaya ng nangyari sa ibang bansa.
“Sa ibang bansa, ganito rin ang nangyari. Nung nakontrol nila, binuksan nila, nagkaroon sila ng second at third surge na talagang grabe ng mga nangyayari. Kaya hindi pwede na bibiglain mo ‘no?” ani Abalos.
Sang-ayon naman si Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na dapat unti-untiin ang pagpapaluwag ng restrictions para hindi rin mabigla ang healthcare system sa bansa.
Aniya, bagama’t nabawasan na ang mga pasyente, may ilang ospital pa rin ang nananatiling masikip.
“Bumababa po ang 7-daily average ng mga kaso natin, pero nakikitaan pa rin po natin ng mataas ng daily average attack rate ang bawat local government sa Metro Manila,” saad ni Vergeire.
So kailangan pang maipakita ng local government na kaya na natin kahit tumaas pa ang mga kaso that we can test, we can isolate immediately and we can quarantine. So ito pong lahat ng ito tinitingnan natin ‘pag tayo ay nagdedesisyon,” paliwanag niya.