
Hinimok ni Senate President pro-tempore Jinggoy Estrada ang pamahalaan na magkaroon ng matibay at tiyak na hakbang para mapanagot ang China.
Kasunod na rin ito ng water cannon incident ng China Coast Guard (CCG) sa barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) habang nasa gitna ng humanitarian at supply mission sa Panatag Shoal.
Ayon kay Estrada, dapat ay mayroong malakas at tiyak na diplomatic steps upang maparusahan o mapanagot ang China at para matiyak na hindi na mauulit ang kaparehong insidente.
Hinikayat din ni Estrada ang ASEAN at international partners ng bansa na manindigan para sa mga Pilipino sa pamamagitan ng pagdepensa sa ating soberenya, katatagan ng rehiyon, seguridad at pinakamahalaga ang pagtaguyod sa rule of law ng West Philippine Sea.
Nanawagan din ang mambabatas sa China na tigilan ang mga labag sa batas at nakagagalit na aksyon sabay ng paalala na atin ang Panatag Shoal at walang bansa ang may karapatan na ipatigil o harangin ang anumang misyon na isinasagawa sa loob ng ating EEZ o exclusive economic zone.









